Kalunos-lunos ang sinapit ng tatlong taong gulang lang na batang babae, na hinampas ng bakal, sinaksak, at ginahasa pa umano ng sarili niyang kuya na 17-anyos sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing natagpuan ang biktima na hubo’t hubad at duguan ang mukha sa isang copra dryer o pugon hapon ng Huwebes sa Sitio Nara sa Barangay Nuing.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na lasing umanong umuwi ang suspek sa kanilang bahay.
Dito kinuha ng suspek ang kaniyang kapatid at dinala sa pugon na may layong 40 metro mula sa kanilang bahay.
“Ang nakakita sa pagdala niya doon ay ‘yung 10 years old na bata, cousin po ng bata at kapitbahay din. Maya-maya meron silang narinig na iyak, parang nagsabi ‘yung bata na tulong pero hindi lang pinansin ng bata at tsaka nu’ng mama ng bata na nakarinig din kasi kasama naman ‘yung kapatid. Bale, hindi nila in-expect ‘yung pangyayari.” sabi ni Police Corporal Jeffrey Angeles, investigator on case ng Jose Abad Santos Municipal Police.
Nadakip ng mga residente ang suspek ilang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen.
Nasa kustodiya na ng Jose Abad Santos Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng reklamong rape with homicide ang suspek, na umamin sa kaniyang ginawa, ayon sa pulisya.
“Ginahasa niya ‘yung bata tapos sa sobrang ingay daw, hinampas niya ng matigas na bakal ‘yung ulo at meron din akong nakita parang saksak sa kaniyang noo, maliit kaya tinanong ko ‘yung suspek na sinaksak mo ba ‘yun. Sinaksak daw niya ng maliit na kutsilyo,” sabi ni Angeles.
Base sa resulta ng post-mortem examination, may nakitang laceration sa ari ng biktima, na agad inilibing.